Dumating na sa bansa ang winningest boxing team ng Pilipinas kaninang bago mag-5:00 ng hapon sa NAIA Terminal 2.
Ang boxing delegation ay sinalubong ng banda, mga nakalinya na mga sundalo at tarpaulins bilang pagbati mula sa mga kababayang Pilipino.
Espesyal din silang hinarap ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng virtual habang nasa Malacanang nagpupulong ang IATF.
Kasabay nito, doon inanunsyo ng pangulo ang matatanggap na mga cash incentives ng mga national boxers.
Una rito, masayang umalis ng Tokyo, Japan ang mga miyembro ng Philippine boxing team, pasalubong ang malaking tagumpay sa katatapos lamang na Olimpiyada.
Nang makapanayam ni Bombo Myles Beltran sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial doon pa lamang sa Narita International Airport sa Japan, todo na ang kanilang pasasalamat sa mga kababayan na nagbigay ng suporta lalo na sa mga dasal.
Kung maalala sina Petecio at Paalam ay kapwa nakasungkit ng silver medal habang si Marcial naman ay nakuha ang bronze.
Ang mga ito ay dumalo pa kagabi sa closing ceremony ng Olympics sa National Stadium kung saan si Petecio ang nagsilbing flag bearer.
Sinabi naman sa Bombo Radyo ni Philippine Olympic Committee president at Rep. Bambol Tolentino na ang tagumpay ng Pilipinas kasama na ang unang gintong medalya na naipanalo ni Hidilyn Diaz ay hindi lamang sana magbigay inspirasyon sa mga kapwa Pilipino ngayong panahon ng pandemya kundi maging sa hinaharap pa na laban ng bansa lalo na sa Olimpiyada.
Liban sa mga nabanggit, kasama rin ang mga coaches at ang isa pang Pinay boxer na si Irish Magno na sumakay ng Philippine Airlines flight pabalik ng Pilipinas bilang official carrier.
Kung maalala sa pagsasara ng Olimpiyada ang Pilipinas ay pumuwesto sa ika-50 ranking sa mahigit 200 mga bansa na nagpadala ng mga atleta sa Tokyo.
Ang Pilipinas ang may pinakamataas na standing sa mga karibal nitong mga bansa sa Southeast Asia.
Tulad na lamang ng Indonesia na nasa ika-55 puwesto, habang ang Thailand ay nasa 59th at ang Malaysia naman ay nagkasya sa 74th place.
Ang 19 na mga atleta ng bansa kasama ang apat na mga boksingero ang itinuturing din na winningest team kumpara sa mga dating ipinadala rin sa mga nakalipas na Olimpiyada.
Samantala tulad sa mga naunang atleta na dumating sa Pilipinas, ang Philippine boxing team at iba pang bahagi ng delegasyon ay sasailalim muna sa pitong araw na quarantine procedures sa isang hotel sa Metro Manila bago payagang makabalik sa kanilang mga pamilya.