Inabot ng hanggang alas-11:30 ang pagdinig ng Senado kagabi hinggil sa kontrobersyal na implementasyon ng good conduct time allowance (GCTA) at issue sa Bureau of Corrections (BuCor).
Pero hindi pa ito tapos lalo na’t may testigo ng lumutang sa Blue Ribbon Committee na nagsiwalat ng umano’y pagbebenta ng ilang BuCor officials sa GCTA.
Sinabi ng testigong si Yolanda Camelon na inalok siya ng GCTA ni Correctional Senior Inspector Major Mabel Bansil ng BuCor noong Pebrero para makalaya ang asawa nitong nakakulong.
Pero dahil hindi daw nito kayang magbigay agad ng siningil na P50,000 na bayad ay naging hulugan ang kanyang pagbabayad para sa GCTA.
Kaakibat ng unang pangako na Marso nitong taon ay lalaya na ang kanyang asawa.
“Iyung issue na GCTA, isa kami na naging biktima, nagpapatunay na mayroon talagang GCTA buying sa New Bilibid Prison,” ani Camelon.
“Ang sabi sa kanya, ‘Konting halaga hinahabol niyo samantalang ang iba P300,000 ang binigay di naghahabol.’”
Matapos magbigay ng unang P10,000 ay nag-abot pa raw ng karagdagang tig-P20,000 si Camelon pero naurong ng naurong ang schedule ng paglaya ng kanyang asawa hanggang hindi ito nakalabas.
Sinubukan pa raw niyang bawiin ang ibinayad na salapi sa mga opisyal.
Dito na pumasok ang pangalan ng BuCor documents division head na si Staff Sergeant Ramoncito Roque na may ideya rin umano sa sistema ng GCTA for sale.
Inamin ni Camelon na nakausap niya pinaslang kamakailan na BuCor admin officer na si Ruperto Traya Jr. hinggil sa GCTA for sale.
Inamin din ng inaakusahang si Roque na tinanggap niya ang pera pero ibinalik niya umano niya ito. Bagay na itinanggi rin ni Camelon.
“Wala po akong tinanggap,” ani Roque.
Ginisa ni Committee chair Sen. Richard Gordon si Roque dahil sa pabago-bago nitong mga sagot.
Kaya sa Lunes ay muli raw silang maghaharap harap sa Senado at inaasahang marami pang testigo ang lulutang kaugnay ng sinasabing pagbebenta ng BuCor sa GCTA.
“That’s bribery. If you are an officer of the law, you should have known they could go to jail for doing that,” ani Gordon.