-- Advertisements --

Nakakulong ngayon si WNBA superstar Brittney Griner sa Russia matapos na makuhanan ng illegal substance.

Base sa mga lumabas na ulat na habang nasa Sheremetyevo airport pa lamang ang 2-times Olympic gold medalist ay nakuhanan na ito ng hashis oil sa bagahe nito.

Inanunsiyo rin ng Russian Federal Customs Service na nakakulong na ang WNBA superstar noong Pebrero pa matapos na makuha ang vape cartridge sa kaniyang bag.

Bagamat walang pangalan na inilabas ang mga otoridad ay nakakuha ng impormasyon ang Russian news agency at nakilala ang naaresto na si Griner ang sentro ng Phoenix Mercury.

Dahil umano sa pangyayari ay posibleng maharap ito sa 10 taon na pagkakakulong.

Ayon naman sa agent ni Brittney na si Lindsay Kagawa Colas, na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad ng Russia ganundin sa pamilya nito.

Gagawin aniya nila ang lahat ng makakaya para maiuwi ang nasabing basketbolista.

Ang 31-anyos na si Griner ay 1st overall pick ng 2014 WNBA Draft at isa sa best players sa liga.

Kabilang sa mga tagumpay nito ay ng makasama sa All-Star ng pitong beses, 2x Scoring Champ at 2x WNBA Defensive Player of the Year at WNBA Champion.

Nasa Russia aniya ito dahil sa naglalaro siya bilang import kung saan apat na beses itong nagkampeon sa Russian Euroleague team na UMMC Ekaterinburg.