Emosyunal na ibinahagi ni Minnesota Timberwolves star Karl-Anthony Towns ang dinadaanan nilang pagsubok matapos kapitan ng coronavirus ang kanyang ina.
Ginawa ni Towns ang pag-amin sa pamamagitan ng Instagram post upang magsilbi itong aral sa iba at kung gaano kalala at kaseryoso ang deadly virus.
Ayon sa player araw-araw umanong lumalala ang kalagayan ng kanyang ina na nasa “medically induced coma” dahil sa lung problems bunsod ng COVID-19.
Ang kanyang ama naman ay gumaling na at na-release na sa ospital pero nasa ilalim pa ngayon sa quarantine.
Pero iba umano ang nangyari sa kanyang ina na umabot ang taas ng lagnat ng hanggang 103 degrees.
Ang ina ni Towns na si Jacqueline Cruz ay nagtatrabaho bilang isang nurse.
“This disease is real. This disease needs not to be taken lightly. Please protect your families, your loved ones, your friends, yourself.,” ani Towns. “This disease, it’s deadly. We’re going to keep fighting, my side, me and my family, we’re going to keep fighting it. We’re going to beat it, we’re going to win. I hope my story helps.”
Si Towns ay una nang nagbigay ng donasyon ng $100,000 sa Mayo Clinic upang makatulong sa research sa laban sa coronavirus.