-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Hindi na itinuloy ang Women’s Month at ibang aktibidad mula Marso 10-24, 2020 dahil sa banta ng COVID19 sa Kidapawan City.

Nakapaloob sa Local Proclamation no.001 s.of 2020 na nilagdaan ni City Mayor Joseph Evangelista ang postponement ng mga aktibidad nitong March 9, 2020.

Pangunahing konsiderasyon ng pagpapaliban ay ang kalusugan at kaligtasan ng publiko, wika pa ni Mayor Evangelista.

Bagamat at pinagpaliban pansamantala ang mga aktibidad, maari itong palawigin ng Inter-agency Task Force against COVID19 ng City Government, na itinatag noong February 18, 2020 kung saka-sakaling magpapatuloy pa ang banta dala ng sakit.

Kaugnay nito, mas pinalalakas pa ng City Government, sa pamamagitan ng City Information Office ang pagbibigay kaalaman sa mamamayan patungkol sa COVID19.

Simula ngayong linggo, ay maglalagay na ng tarpaulin sa ilang piling lugar sa lungsod na nakalathala sa wikang Cebuano ang mga bagay-bagay na maaring gawin para maka-iwas sa COVID19.

Ginawa ito upang mas maintindihan ng lahat ang mga hakbang ng City Government na ma-proteksyunan ang lahat.

Ang ipinalabas na Local Proclamation ni Mayor Evangelista ay alinsunod na rin sa Presidential Proclamation 922 ng Pangulong Rodrigo Duterte na naglalagay sa buong bansa sa ilalim ng State of Public Health Eemergency dahil sa COVID19.

Nilagdaan ito ng pangulo matapos makumpirma ng mga otoridad ang kaso ng local transmission ng COVID19 sa Metro Manila.

Nasa 49 na ang kumpirmadong kaso ng COVID19 sa Pilipinas sa kasalukuyan, ayon pa sa mga otoridad.