Isinusulong ngayon ng Women’s Rights Advocates group ang disbarment case laban sa isang abogadong nambastos umano ng kababaihan kasunod ng binitawang biro nito sa isang campaign sortie.
Kung saan nais ng grupo na ma-disbar si Atty. Christian Ian Sia mula sa kanyang propesyon kung sakali mang matukoy ng pinakamataas hukom na mayroong grounds para dito.
Sa isinumite nilang pormal na liham sa Korte Suprema, nakasaad rito ang paghimok na patawan nito ng kaukulang parusa ang naturang abogado.
Ayon kay Clarise Palce, Secretary-General ng National Alliance of Women’s Organizations group, dapat raw tingnan ng Supreme Court ang mga inilahad nilang nilabag o violations ni Atty. Sia partikular sa mga misogynist at sexist remarks nito sa kanyang kampanya.
‘Dapat ang Supreme Court, ini-urge natin ang Supreme Court na talagang pag-aralan at harapin yung napakaraming mga violations na ito. At kung disbarment man ang katapat na aksyon kaugnay nito, dapat na gawin ng higher court itong disbarment case laban kay Atty. Sia,’ ani Clarise Palce, Secretary-General ng Gabriela National Alliance of Women’s Organizations.
Kaya naman dahil dito, nagpaabot ng isang mensahe ang lider ng naturang grupo ng mga kababaihan na si Clarise Palce kay Atty. Christian Sia.
Aniya, dapat hindi ganun ang mga naging pahayag o biro nito sapagkat naniniwala silang may sinusunod na guidelines ang pagiging abogado.
Dagdag pa niya, dapat rin umanong walang kontra kababaihang pahayag lalo pa’t aniya’y kandidato pa man rin ito bilang kinatawan ng kanyang nasasakupan.