-- Advertisements --

Nagsumite ng isang liham ang grupo ng Women’s Rights Advocates sa Korte Suprema laban sa isang abogado na nagbiro o nambastos umano ng mga kababaihan.

Kung saan personal nilang ipinadala ngayong araw ang naturang sulat sa pinakamataas na hukom para himukin ito na patawan ng kaukulang sanction o parusa si Atty. Christian Ian Sia.

Ayon kay Clarise Palce, Secretary-General ng Gabriela National Alliance of Women’s Organizations, nagsadya talaga silang magpunta rito sa Korte Suprema upang ipaalam sa hukom na mayroon umanong abogadong bastos at nagpahayag ng misogynist at sexist remarks sa mga babae.

Maalala na nito lamang nakaraan ay kumalat sa iba’t ibang social media platforms ang video ng bahagi ng pahayag ni Atty. Sia sa kanyang talumpati.

Nabanggit niya kasi sa isang campaign sortie na maaring sumiping sa ang mga babaeng solo parent sa kanya minsan sa isang taon.

‘Nandito tayo ngayon sa Supreme Court kasama yung ibang women’s organizations para formally mag-submit ng letter to the Supreme Court… notifying the higher court na mayroong abogadong bastos, mayroong abogado at the same time kandidato at nagpahayag ng mga misogynist at mga sexist remarks laban sa mga kababaihan sa isang campaign sortie,’ ani Clarice Palce, secretary-general ng Gabriela National Alliance of Women’s Organizations.

Kaya naman naninindigan ang kanilang grupo na ito’y maituturing na paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability na dapat sundin ng isang matinong abogado.