-- Advertisements --

Bumuhos ang mga volleyball fans kagabi sa ginanap na semifinals game ng Premier Volleyball League (PVL) na isinagawa sa Mall of Asia Arena (MOA) sa Pasay City.

Maraming mga sports analysts ang nagulat at natuwa dahil sa kabila ng umiiral na pandemya ay nagagawa nang punuin ng mga fans ang ganitong mga laro na huling nangyari ay noon pang bago ang COVID pandemic.

Naging crowd drawer ang Game 2 ng semis sa pagitan ng Creamline at Choco Mucho at ang harapan naman ng Cignal versus PetroGazz.

Sinasabing ang gate attendance sa Game 2 ng dalawang laro ay umabot ng 16,687 upang maitala ang record bilang biggest indoor sports crowd ngayong pandemic.

Sa labis na jampacked ng crowd, marami ang hindi na rin nakapasok sa venue dahil nagkaubusan na ng tickets.
Nalampasan pa nito ang mahigit 13,000 na mga basketball fans na nanood ng personal sa Game 3 ng PBA Governor’s Cup.

Ang isa sa volleyball superstar sa bansa na si Alyssa Valdez ay hindi rin makapaniwala sa nasaksihang dami ng mga fans na pumuno sa arena na tinawag niyang “biggest comeback sa sports.”

Ang Game 1 ng finals sa Premier Volleyball League ay gaganapin sa Miyerkules.