-- Advertisements --

Balik na sa kanilang bansa ang U.S. Women’s National Team matapos ang record-breaking World Cup win laban sa Netherlands na ginanap sa Lyon, France.

Ang sinakyang eroplano ng soccer team na nasungkit ang ika-apat na Women’s World Cup ay nag-touch down sa Newark Liberty International Airport kung saan mainit na sinalubong ng mga fans at officials gayundin ang banner na may nakasulat na “Congratulations Team USA!”

Kaliwa’t kanan naman na kuha ng larawan ang sumalubong din sa team sa tarmac pa lamang na sinabayan din ng awiting “We Are The Champions.”

Sa Huwebes ay itinakda ang engrandeng ticker-tape parade na gaganapin sa lower Manhattan Canyon of Heroes.

Ito ang unang gagawing ticker-tape parade sa siyuad mula nang tanghalin din ang women’s team na panalo sa 2015 World Cup.

Ngayon pa lamang kabi-kabila na ang imbitasyon sa koponan tulad na lamang sa US Senate at sa U.S. Capitol sa pamamagitan ng Speaker of the House Nancy Pelosi.

Pero bago ang torneyo agad nang sinabi ng isa sa star player na si Megan Rapinoe na kailanman ay hindi siya aapak sa White House sakaling imbitahan sila at kung magkampeon.

Ang bagay na ito ay ikinapikon ni US President Donald Trump na idinaan sa twitter.