Matagumpay na nadepensahan ng United States ang kanilang korona makaraang biguin nila ang Netherlands, 2-0, sa FIFA Women’s World Cup final sa Lyon, France.
Naging matindi ang ipinamalas na depensa ng mga Dutch upang mapanatiling scoreless ang buong first half.
Agaw-pansin din sa naturang yugto si dating Arsenal goalkeeper Sari van Veenendaal na lumikha ng apat na saves upang pahirapan ang US.
Ngunit sa pagpatak ng 61st minute, nagawang maipasok ni Megan Rapinoe ang penalty kick upang ibigay sa US ang una nilang puntos.
Makalipas ang walong minuto, sinipa ni Rose Lavelle ang ikalawang puntos ng defending champions, rason para hindi na nila lingunin pa ang kalaban.
Ito na ang ikaapat na titulo ng US mula noong 1991, 1999, at 2015.
Napanalunan din ni Rapinoe ang Golden Boot makaraang magtapos na may anim na goals at tatlong assists sa kabuuan ng torneyo.