-- Advertisements --

ILOILO CITY- Umiinit ngayon ang word war sa pagitan ni Guimaras Governor Samuel Gumarin at Buenavista, Guimaras Mayor Eugene Reyes dahil sa isyu kaugnay sa hospital waste.

Ito ay matapos inakusahan ni Governor Gumarin si Mayor Reyes na sinasadya nito na hindi kolektahin ng Local Government Unit ng nasabing bayan ang hospital waste ng Buenavista Emergency Hospital na nasa ilalim ng pamamahala ng Provincial Health Office ng Guimaras.

Ayon kay Gumarin, hinihiling lamang niya sa alkalde na makipagtulungan dahil karamihan naman sa mga pasyente na dinadala sa nasabing ospital ay mga residente ng nasabing bayan.

Samantala, pinasinungalingan naman ni Reyes ang akusasyon ng gobernador.

Ayon kay Reyes, hindi tumutupad ang nasabing ospital sa ordinansa kaugnay sa waste segregation kung saan malalagay sa peligro ang publiko kapag hindi maayos ang pag-manage ng hospital waste.

Sinasabing nag-ugat ang tensyon nang tinanggal ni Gumarin bilang head nurse ng nasabing ospital ang asawa ng alkalde.

Sinasabi rin na lalong uminit ang kanilang tensyon nang binawasan ng alkalde ang budget ng vice mayor ng nasabing bayan asawa naman ni Governor Gumarin.