KORONADAL CITY – Mas uminit pa sa ngayon ang wordwar sa pagitan ng gobernador at bise gobernador ng probinsiya ng South Cotabato.
Ito ang may kaugnayan sa kontrobersiya na umano’y panunuhol ng gobernador sa siyam “9” na kasapi ng Sangguniang Panlalawigan (9) ng probinsiya upang paburan umano ang lahat ng mga isinusulong ng ehekutibo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Vice Governor Vic De Jesus, nag-ugat ang pag-single out sa kanya ni Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa mga naantala at hindi naaprubahan na mga proposal ng ehekutibo.
Ngunit paliwanag ni De Jesus, hindi lamang siya ang myembro ng SP kundi binubuo ito ng 14 na mga board members at siya bilang presiding officer.
Ayon sa bise gobernador ang lumalabas sa ngayon ay siya na lamang ang itinuturo ng gobernador na may kagagawan sa delay o dis-approval nang isinusulong na anumang proyekto, programa at pundo.
Sa katunayan, hindi man lang diumano nadepensahan ng mga program holder nito at may iba pang dapat na dumalo sa session na hindi man lang nagpapakita.
Isa mga mainit na pinagmulan ng P30K issue na suhol umano ng gobernador sa mga board members na makikita at maoobserbahang hindi nga nagpaparticipate sa discussion, tumatahimik lamang at pagdating sa botohan ay pabor sa nais na mangyari ng gobernador.
Subalit mahigpit naman itong itinanggi ng gobernador sa programa nitong “Ang Gobernador kag ang Katawhan” na nanunuhol ito sa halip inamin nito na kung may lumalapit sa kanya na board member at humihingi ay binibigyan niya ito sa kaya niyang maibigay na pera.
Maliban dito, inamin din ng gobernador na noong pasko ay binigyan niya ng pera ang bise gobernador at ang lahat ng mga Board members na kanyang ipinatawag.
Ibinalik niya naman sa bise gobernador ang akusasyon na humihingi ito ng 5% sa isinusulong na loan ng provincial government bago umano aprubahan na itinanggi naman ng opisyal.