NAGA CITY – Nagpatupad na ng class and work suspension ang lokal na pamahalaan ng Naga gayundin ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur dahil sa banta na dala ng bagyong Jolina.
Sa ibinababang Memorandum Circular ni Naga City Mayor Nelson Legacion, nakasaad dito na epektibo ang suspensyon ng klase sa lahat ng lebel alas-8:00 kaninang umaga sa kabila ng bagong learning delivery modality.
Habang epektibo naman ang work suspension sa mga government offices ngayong alas-12:00 ng tanghali maliban lamang sa mga delivery ng basic and health services, disaster response and preparedness at iba pang vital services.
Samantala ang mga private offices and companies naman ay maaari umanong magbukas hanggang alas-5:00 ngayong hapon.
Ang nasabi ring mga kautusan ang ibinaba ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte, ayon naman sa Memorandum No. 2 ng pamahalaang panlalawigan.
Sa ngayon, nakabandera pa rin sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang lungsod ng Naga, Western at Southern portion ng Camarines Sur gayundin ang southeastern portion ng Quezon; habang nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang Catanduanes, natitirang bahagi ng Camarines Sur, Camarines Norte at ang natitirang bahagi ng Quezon gayundin ang Polillo Islands.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanda ng lungsod ng Naga gayundin ng lalawigan ng Camarines Sur kaugnay ng sama ng panahon dahil sa Bagyong Jolina.