KALIBO, Aklan – Inaasahang lalo pang tataas ang bilang ng mga turistang darayo sa isla ng Boracay sa sandaling magsimula na ang tatlong bagong programa ng Department of Tourism (DoT).
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos sa pamamagitan ng isinusulong na programa ng ahensiya na Boracay Biking Tour, Food Crawl at Wellness Workation Program ay mabilis na makakabawi ang isla dahil makakahatak ito ng maraming turista.
Dagdag pa ni Delos Santos kapag naabot na ang herd immunity sa Boracay ay bubuksan na rin nila ang travel bubble sa mga bansang China, Taiwan at Korea.
Patok na aniya ngayon sa isla ang ‘trabaho habang bakasyon’ lalo na sa ilang mga empleyadong online ang trabaho.
Nauna nang ginawaran ang Boracay kasama ang ilang mga tourism establishments ng ‘Safe Travels Stamp’ ng World Travel and Tourism Council (WTTC) dahil sa ipinapatupad na health and safety protocols na pasado sa buong mundo.