-- Advertisements --

Pumanaw na ang kilalang workout personality sa US na si Richard Simmons sa edad na 76.

Sinabi ng kaniyang publicist na si Tom Estey na namayapa si Simmons isang araw matapos na ipagdiwang niya ang kaniyang ika-76 na kaarawan.

Hindi na nagbigay pa ito ng anumang detalye sa sanhi ng kamatayan ni Simmons.

Mula 1980 hanggang 1984 ay naging host ito ng “Richard Simmons Show” na nakatuon sa personal health at fitness.

Ang nasabing show ay nagwagi ng apat na Daytime Emmys.

Kilala din si Simmons sa aerobic exercise videos kabilang ang “Sweatin to the Oldies” noong 1988 na sinundan pa noong 1990 at 1991.

Kuwento nito na noong bata pa ito ay labis ang kaniyang katabaan kung saan sa edad pa lamang ng 8 ay nasa 200 pounds na ang timbang niya.

Noong edad 16 ay may naglagay ng papel sa kanilang sasakyan at sinabing na dapat ito magpapapayat dahil ang mga matatabang tao ay maagang namamatay kaya doon nagsimula siyang tutukan ang kalusugan.