Nagbabala ang World Bank na lalong mababaon sa kahirapan ang nasa 150-milyong katao pagsapit ng katapusan ng 2021 dahil sa coronavirus pandemic.
Base sa inilabas na biennial report on poverty and shared prosperity ni World Bank President David Malpass, may karagdagang 88-milyon hanggang 115-milyon na mas maghihirap na mamuhay sa halagang $1.90 kada araw ngayong 2020.
Posibleng umabot pa ito sa 111-milyon hanggang 150-milyon sa katapusan ng susunod na taon.
Ibig sabihin, mamumuhay sa matinding kahirapan ang 9.1% hanggang 9.4% ng populasyon sa buong mundo.
Ito ay maihahambing sa 9.2% noong 2017 at kumakatawan sa kauna-unahang pagtaas sa extreme poverty percentage sa loob ng 20 taon.
Tinatayang pumalo sa 8.4% ang extreme poverty rate noong nakalipas na taon at inaasahang sasadsad sa 7.5% sa 2021 bago ang coronavirus pandemic.
Sinabi ni Malpass, posibleng mahigit sa 1.4% ng populasyon sa buong mundo ang lalong maghihirap bunsod ng pandemya at global recession, na maituturing na kabiguan sa develpment progress at poverty reduction.
Nakasaad din sa report na ang bagong “extreme poor” ay nasa mga bansang may mataas nang poverty rates pero 82% sa mga ito ay nasa middle-income countries kung saan ang poverty line ay ang kumikita ng $3.20 bawat araw para sa low-middle-income countries at $5.50 bawat araw para sa upper-middle-income countries.
Bagama’t nakatuon ang matinding kahirapan sa rural areas sa mga nagdaan, nadiskubre sa ulat ng World Bank na tumaas ang bilang ng mga naninirahan sa mga siyudad na naghihirap bunsod ng kawalan ng hanapbuhay na dulot ng COVID-19 lockdowns at reduced demand.
Ayon kay Malpass, kailangang payagan ng mga bansa ang capital, labor, skills at innovation para makapagbukas ng bagong negosyo at makakilos ang iba’t ibang sektor para maiangat muli ang ekonomiya matapos ang COVID-19.
“In order to reverse this serious setback to development progress and poverty reduction, countries will need to prepare for a different economy post-Covid, by allowing capital, labour, skills, and innovation to move into new businesses and sectors,” ani Malpass.