CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Humakot ng tatlong gintong medalya ang Philippine jiu-jitsu team para sa Team Pilipinas matapos dominahin ang sinalihan nilang mga jiu-jitsu events sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa bunuang ginanap sa Laus Group Event Center sa lungsod ng San Fernando, Pampanga, nang nagbulsa ng gintong medalya si Carlo Angelo Peña nang manaig ito kontra sa kalabang si Richard Rengga ng Indonesia sa men’s under 56kgs category.
Nagreyna naman sa women’s under 45kg division ang world champion na si Margarita “Meggie” Ochoa nang hindi nito papormahin si Dao Le Thu Tiang ng Vietnam.
Ayon kay Ochoa, pinaghandaan niya nang husto ang pagsabak niya sa SEA Games lalo pa’t alam niya na lalaban siya sa harap mismo ng kanyang mga kababayan.
“Sobrang excited akong lumaban, leaning towards the SEA Games,” wika ni Ochoa. “From the start of the year pa lang nasa utak ko na ang SEA Games kasi kahit sabihin ng mga tao na ‘nanalo ka na sa world championships at Southeast Asia lang ‘yan,’ iba pa rin kasi kung lalaban ka sa sarili mong bayan.”
Si Ochoa ay itinanghal na kampeon sa Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championships sa Sweden noong nakaraang taon, at nakasungkit din ng bronze medal sa 2018 Asian Games sa Indonesia.
Kaugnay nito, hindi rin nagpahuli si Dean Michael Roxas ng -85kg men’s category na pinataob si Benjamin Chia para madagit ang ginto.
Samantala, nakuntento lamang si Kaila Napolis sa silver medal nang malusutan ito ni Jessa Khan ng Cambodia sa -49kg category.
Maging ang kalahok ng Pilipinas sa -69kg division na si Marc Alexander Lim ay binigo ng Thai na si Lerthaisong Banpot, dahilan para maka-silver medal lamang ito.
Nagkasya naman sa bronze si Gian Taylor Dee nang maisahan nito si Ikshan Aranda ng Indonesia sa -63kg category.