Nabigong madepensahan ng Pinoy Olympic gymnast na si Carlos Yulo ang kanyang korona sa floor exercises sa ginaganap na 50th FIG Artistics Gymnastics World Championships sa Japan.
Una rito, halos perfect na sana ang execution ni Yulo pero sumablay siya nang hindi naging maganda ang pag-landing niya kaya nag-out of bounds sa isang parte ng kanyang routine.
Dahil dito pumwesto sa ikalima si Yulo nang magtapos sa score na 14.566.
Napatawan tuloy ng penalty ang Pinoy champion ng 0.300 na sinasabing malaking kawalan sa kanyang laban.
Naagaw naman ng pambato ng Italya na si Nicola Bartolini ang korona nang mabigyan ito ng score na 14.800.
Samantala, may tiyansa pa rin bukas si Yulo na makapag-uwi ng medalya sa championship rounds sa larangan ng parallel bars at vault.