Mas pinalakas pa ng Pilipinas ang air patrol nito sa West Philippine Sea (WPS) sa tulong ng 20 world-class drones o unmanned aerial system (UAS) na donasyon ng Australia na nagkakahalaga ng P34 million.
Sa ginanap na handover ceremony sa Mariveles, Bataan, pormal na tinanggap ni Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang drones kahapon mula kay Australian Ambassador HK Yu.
Kabilang sa itinurn-over ang 15 short-range UAS, 4 na medium-range UAS at isang long-range unit.
Ayon sa PCG, nagtungo sa Pilipinas ngayong linggo ang drone specialists mula sa Australia para sa apat na araw na pagsasanay sa 30 miyembro ng PCG Aviation Command Unmanned Aerial Vehicles Squadron kaugnay sa paggamit ng mga drone.
Sinabi ng PCG Commandant na makakatulong ito sa PCG na lalo pang mapahusay ang mahalagang papel nito bilang isang responsableng protektor ng mga patakaran para mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran para sa mga mamamayang Pilipino at matamasa ng lahat ng law-abiding users ng ating karagatan.
Gamit din aniya ang mga drone, mapapalawak pa ng PCG ang saklaw ng monitoring at surveillance operations nito gayundin makakatipid ng langis at mababawasan ang banta para sa mga mamamayan ng bansa.
Saad pa ni Adm. Gavan na sa pamamagitan ng pag-acquire ng world-class drones mula sa Australia, mabibigyan ng pagkakataon ang mga personnel ng PCG na maging pamilyar sa state-of-the art systems na hindi lang aniya ordinaryong off-the-shelf drone.
Maliban sa paggamit sa drone sa pagpapatroliya sa WPS, idedeploy din ito sa matataong lugar sa PCG districts.