Inanunsiyo ni Asia’s best at World No.2 pole vaulter Ej Obiena na plano niyang dalhin ang “World-class” pole vault tournament dito sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Ginawa ng Pinoy pole vaulter ang anunsiyo noong Martes matapos na mag-settle ito sa ikaapat na pwesto sa pole vault finals sa Paris Olympics na malaki ang iniangat mula sa ika-11 noong Tokyo Olympics.
Sa isang online media conference, sinabi ni Obiena na inimbitahan na niya ang ilan sa Paris Olympics finalists. Kayat sakaling matuloy, masasaksihan ng mga Pilipino sina World No. 1 at back to back Olympic gold medalist pole vaulter Armand Duplantis ng Sweden, Sam Kendricks ng US, Emmanouil Karalis ng Greece, Oleg Zernikel ng Germany at Huang Bokai ng China na nagsanay sa ilalim din ng coach ni Obiena na si Vitaly Petrov.
Ayon sa Pinoy pole vaulter, nakarehistro at pinahintulutan ng governing body na World Athletics ang naturang tournament na planong idaos sa Setyembre 20 sa Ayala Triangle Gardens. Ang gagamitin dito ay tulad ng surface doon sa Tokyo at Paris Olympics.
Para naman matiyak na akma sa World Athletics standard ang naturang tournament, nagpatulong ang kampo ni Obiena sa isang consultant mula pa sa Europa na mas marunong sa pag-organisa ng naturang event.
Samantala, inamin din ng 28 anyos na Pinoy pole vaulter na iniinda niya ngayon ang kaniyang spinal injury. Sa ngayon, pagtutuunan muna ni Obiena ang kaniyang full recovery at lilimitahan muna ang mga kompetisyong sasalihan ngayong taon.