Nanawagan ngayon ang World Council of Churches kay Turkish President Recep Tayyip Erdogan na baligtarin ang naging pasya nito kaugnay sa pagbabalik bilang moske ng tanyag na Hagia Sophia museum.
Sa liham ng Council kay Erdogan, magdudulot lamang umano ng pagkakawatak-watak ang nasabing pasya.
“By deciding to convert the Hagia Sophia back to a mosque you have reversed that positive sign of Turkey’s openness and changed it to a sign of exclusion and division,” saad sa sulat.
“In the interests of promoting mutual understanding, respect, dialogue and co-operation, and avoiding cultivating old animosities and divisions, we urgently appeal to you to reconsider and reverse your decision,” dagdag nito.
Una nang dumipensa si Erdogan kung saan iginiit nito na may karapatan ang kanilang bansa na i-convert ulit bilang moske ang naturang gusali.
Isasagawa sa darating na Hulyo 24 ang unang Muslim prayers sa lugar.
“Like all our mosques, the doors of Hagia Sophia will be wide open to locals and foreigners, Muslims and non-Muslims,” ani Erdogan.
Noong 1934 nang gawing museum ang Hagia Sophia, na kinikilala rin bilang isang UNESCO World Heritage site.
Ngunit nitong Biyernes lamang nang ianunsyo ni Erdogan ang kanyang pasya kasunod ng court ruling, na naging dahilan para mawala ang museum status nito.
Itinayo ang Hagia Sophia 1,500 taon na ang nakalilipas bilang isang Orthodox Christian cathedral, ngunit ginawa itong moske matapos ang pananakop ng Ottoman Empire sa Constantinople noong 1453.
Ginawa naman itong museo sang-ayon sa utos ni Mustafa Kemal Ataturk, na siyang ama ng modernong Turkey.
Mula noon, ipinagbawal na ang pagsasagawa ng religious services sa lugar, ngunit ikinampanya naman ng mga debotong Muslim na payagan ang pagsamba rito. (BBC)