-- Advertisements --
image 76

Inamin ng World Health Organization (WHO) na maituturing na dramatiko ang pagbaba ng husto ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 cases sa maraming mga bansa.

Dahil dito nanawagan ang WHO sa buong mundo na samantalahin ang pagkakataong ito na wakasan na ang pandemya.

Kinumpirma ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, na bumaba sa lowest level ang naitatalang mga tinatamaan ngayon ng COVID kumpara noong magsimula ang paglobo ng bilang ng Marso ng taong 2020.

Mula noon, milyong milyong katao na ang nasawi dahil sa deadly virus.

Sa pagtala ng World Health Organization umaabot na sa 6.4 million ang mga namatay na hindi pinaligtas ng COVID-19.

Sa WHO latest epidemiological report bumagsak umano sa 12 percent o nasa 4.2 million ang bilang ng mga nahawa sa virus noong September 4 kumpara sa mga nakaraang mga panahon.

Sa pagkakataong ito ayon sa WHO nakikita na raw nila ang dulo na maaring matapos na ang COVID pademic, pero hindi pa umano nakakarating doon ang mundo.

“We have never been in a better position to end the pandemic,” ani Dr. Ghebreyesus. “A marathon runner does not stop when the finish line comes into view. She runs harder, with all the energy she has left. So must we. We can see the finish line. We’re in a winning position. But now is the worst time to stop running.”

Kaya naman sinabi pa ng WHO chief, ang ganitong oportunidad ay dapat nang samantalahin nang paspasan ng mga bansa upang hindi bumalik sa dati na maraming COVID variants, marami ang namamatay at matindi ang mga disruptions sa buhay ng mga tao.

Sa kabila nito nagbabala pa rin ang top health agency na ‘wag maging kampante sa isyu sa pagbaba ng bilang ng mga kaso.

Marami kasing mga bansa ang bumaba na rin ang bilang sa pagsasagawa ng testing at hindi na natutukoy ang mga seryosong kaso.

Marami rin daw sa mga pangyayari sa mga pasyente na hindi na rin naire-report.

Kaugnay nito nananawagan ang WHO sa mga bansa na sundin pa rin ang kanilang mga recommendations.

Kabilang dito ang pagpapaibayo ng mga bansa sa pag-invest sa vaccination ng 100% sa mga most at-risk groups, kabilang na mga health workers at mga matatanda, at panatilihin din ang testing at ang sequencing sa mga virus.