Kinondina ng mga world leaders ang nangyaring terror attack sa Nice, France na ikinasawi ng tatlong biktima sa Notre Dame Basilica.
Ayon kay Spanish Prime Minister Pedro Sanchez, labis ang kaniyang pakikiramay sa mga biktima kasabang nang panawagan nang pagkakaisa para labanan ang terorismo.
Nagulat daw at nalungkot naman ang unang reaksyon ni European Parliament President David Sassoli nang mabalitaan ang nasabing insidente.
Ipinaabot naman ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte ang pakikiramay sa mga biktima at tiniyak na kaisa siya sa laban.
Kinansela naman ng French Muslim Council ang Mawild festivities o ang kaarawan ni prophet Mohammed bilang pakikiramay sa mga biktima.
Tiniyak naman ni Turkish government communications director Fahrettin Altun na hindi nila patatawarin ang sinumang naglulunsad ng racism at nagagalit sa ibang mga relihiyon.
Nagpahayag din ng pakikisimpatiya ang mga lider ng Saudi Arabia, The United Arab Emirates at Egypt sa nangyari.
Tiniyak naman ng simbahang Katolika sa buong France na hindi ito bibigay sa anumang pang-aatake.
Nauna nang nagpaabot ng pagdarasal si Pope Francis sa mga biktima ng pananaksak.
Una rito, sinaksak ng 21-anyos na Tunisian suspek na si Brahim Aouissaoui ang tatlong biktima sa loob ng simbahan kung saan ang isang babae ay ginilitan pa nito sa leeg.
Nabaril naman ng mga kapulisan ang suspek at ito ay kanilang inaresto.
Dahil sa pangyayari nagpakalat ng mahigit 7,000 na kapulisan at sundalo sa mga paaralan, simbahan at establisyemento si French President Emmanuel Macron para hindi na mauulit ang insidente.