Nagpaabot ng pakikiramay ang mga political leaders sa iba’t ibang dako ng mundo sa pagpanaw ni dating Pope Benedict XVI at pinuri ang kaniyang debosyon sa Simbahan at commitment para sa pandaigdigang kapayapaan.
Kabilang sa nakiisa sa pagluluksa sa pagpanaw ng Pope Emeritus sina German President Frank-Walter Steinmeier na pinuri ang yumaong pontiff sa kaniyang dedikasyon para magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng kristiyanismo at iba pang mga relihiyon.
Inaalala naman ni German Chancellor Olaf Scholz ang dating Santo Papa bilang isang “formative figure” ng simbahang Katolika.
Nagbigay pugay naman si United Nation Secretary-General Antonio Guterres kay Pope Benedict XVI at inilarawan bilang isang mapagkumbaba at may prinsipyo sa kanyang pananampalataya, walang pagod sa kanyang paghahangad ng kapayapaan at determinado sa kanyang pagtatanggol sa mga karapatang pantao.
Sinabi naman ni Italian President Sergio Mattarella na ang pagkamatay ng Pope Emeritus ay isang dahilan ng kalungkutan para sa buong bansa. Inihayag din nito na ang kaniyang sweetness at karunungan ay nagbigay ng kapakinabangan sa ating komunidad at sa buong international community. Tinawag naman ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni si Pope Benedict XVI na “giant of faith” at dahilan na hinding-hindi malilimutan ng kasaysayan.
Nakiisa din sa pagpapaabot ng pakikiramay si Japanese Prime Minister Fumio Kishida kay Pope Francis at sa simbahang Katolika. Binigyang diin nito ang malalaking kontribusyon ng yumaong Santo Papa para sa World peace.
Sinabi rin niya na ang Japan ay labis na naantig sa isang mensaheng ipinadala noon ni dating Pope Benedict XVI pagkatapos ng tsunami noong 2011 at Fukushima nuclear disaster, na espirituwal na nagbigay pag-asa sa mga mamamayan ng Japan.
Una na ring nagpaabot ng mensahe si U.S. President Joe Biden at inihayag na ang yumaong Santo Papa ay maaalala bilang isang kilalang teologo, na may buong buhay na debosyon sa Simbahan na ginagabayan ng kanyang mga prinsipyo at pananampalataya.
Sa isang pahayag na inilabas noong Sabado, inalala din ni Biden ang pagiging bukas-palad at makabuluhang pakikipag-usap niya kay Pope Benedict XVI nang makilala niya sa Vatican noong 2011.