Patuloy na umaani ng matinding pagkagulantang at shock sa maraming bansa ang nadiskubre na mahigit sa 400 na mga bangkay ng mga sibilyan matapos na umalis ang mga tropa ng Russia sa lugar malapit sa kabisera ng Kyiv sa bansang Ukraine.
Sa labis na galit ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy at pagbisita sa lugar, tinawag niya ang mga Russian forces bilang mga “murderers, torturers and rapists” at nasa likod ng “genocide” sa kanyang bansa.
Nadiskubre ang maraming mga bangkay sa mga bayan malapit sa kabisera na Kyiv na Bucha, gayundin sa Irpin at Hostomel.
Hugas kamay naman ang Russian defense ministry at tinawag na peke raw ang mga imahe ng mga bangkay o mass grave.
Si UN Secretary-General Antonio Guterres ay nanawagan ng independent investigation at ‘wag daw palampasin ang may kagagawan.
Si US Secretary of State Antony Blinken ay tiniyak na tutulong ang Amerika sa pagdokumento sa isusulong na kaso na may kaugnayan sa war crimes.
Sinang-ayunan din ng UN human rights chief na posibleng kasuhan may kinalaman sa war crimes ang nasa likod ng karumal dumal na krimen.
Sinabi naman ni Jens Stoltenberg, secretary-general ng NATO, ngayon lamang sila nakasaksi ng ganitong tanawin sa Europa sa matagal na dekada.
Nangako naman ang presidente ng European Council Charles Michel ng mas matindi pang sanction laban sa Moscow.
Para naman kay British Prime Minister Boris Johnson sinabi nito na nararapat lamang na gutumin pa nila ang war machines ni Russian President Vladimir Putin. Kaya naman paiigtingin pa nila ang sanctions at military support para sa Ukraine.
Tinawag naman nina German Chancellor Olaf Scholz, French President Emmanuel Macron at Polish President Andrzej Duda, Italy’s Foreign Minister Luigi Di Maio, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, at Israel Foreign Minister Yair Lapid
na “massive abuses” ang ginawa ng Russia na dapat lamang panagutin.
Suportado rin naman nina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at New Zealand’s Prime Minister Jacinda Ardern kung nararapat na ipagsakdal sa International Criminal Court ang Russia.