Binigyang-diin ni world No. 3 pole vaulter EJ Obiena na hinding-hindi siya mage-endorso ng mga alcohol o gambling-related product.
Ito ay kasunod na rin ng umano’y paggamit ng ilang mga kumpanya sa kanyang pangalan at imahe para lang palabasin na ineendorso niya ang kanilang mga produkto.
Ang naturang modus aniya ay ginagawa ng mga kumpanya nang wala siyang pahintulot.
Tiniyak ni Obiena na hinding-hindi siya mag-eendorso ng mga produkto na maninira sa pagkatao at sa malusog at umuusbong na komunidad.
Katwiran ni Obiena, sa kabila ng pagiging legal ng ilang mga gambling sites at pagbebenta ng mga produktong alak, pinipili umano niyang hindi mag-endorse ng mga ito dahil sa bawal ito sa mga kabataan.
Dahil sa mayroon itong plataporma na maaaring maka-impluwensya sa mga kabataan, tinatanggap umano niya ang responsibilidad ng may dangal at pagkamababang-loob.
Pagtitiyak ni Obiena, gumagawa na rin ang kaniyang mga abogado ng akmang hakbang laban sa naturang modus.