Nanawagan ngayon ang United Nations (UN) ng mas malaking proteksyon para sa mga mamamahayag na siyang nagsisilbing tagapagbigay ng “antidote” o “lunas” sa umano’y paglaganap ng maling mga impormasyon ngayong may umiiral na coronavirus crisis.
Apela ito ni UN Secretary-General António Guterres sa isang video message para sa World Press Freedom Day na ginugunita ngayong Linggo, Mayo 3.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Guterres ang napakaimportanteng papel na ginagampanan ng media sa pagtulong sa publiko na makagawa ng mga pasya.
“As the pandemic spreads, it has also given rise to a second pandemic of misinformation, from harmful health advice to wild conspiracy theories”, wika ni Guterres.
“The press provides the antidote: verified, scientific, fact-based news and analysis.”
Hinimok din ni Guterres ang mga pamahalaan na pangalagaan ang mga journalists at iba pang mga nagtatrabaho sa sektor ng media, maging ang pagpapatibay sa kalayaan sa pamamahayag.
Bagama’t mahalaga aniya ang limitadong paggalaw para hindi na kumalat pa ang COVID-19, hindi naman daw ito dapat abusuhin at gawing rason para limitahan ang mga mamamahayag sa kanilang trabaho.
Nagpasalamat din ang UN chief sa mga media personnel sa ginagawa nitong pagbibigay ng facts at analysis, at sa pagpapanagot sa mga pinuno ng lahat ng sektor ngayong may krisis.
Partikular na tinukoy ni Guterres ang mga journalists na may ginagampanang “life-saving role” sa pag-uulat sa public health.
“And we call on governments to protect media workers, and to strengthen and maintain press freedom, which is essential for a future of peace, justice and human rights for all”, ani Guterres.
Sa Pilipinas, nagbigay pugay ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMs) sa mga Pilipinong mamamahayag at media professionals na tinawag nitong mga “bayani” sa paglaban sa coronavirus pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ng PTFoMs na kanilang kinikilala ang katapangan ng media sector sa bansa na isinusugal ang kanilang buhay sa front lines upang ipakita ang tatak Pinoy na paglalahad ng katotohanan.
“Just like the work being done by Filipino health workers in saving lives against this dreaded disease, the media has been indispensable in the fight by bringing truthful information to millions of Filipinos regarding the virus, including ways to protect oneself pursuant to the guidelines and advisories issued by the government,” saad sa pahayag.
Nalulugod din ang PTFoMs na naging katuwang ng gobyerno ang Philippine media sa laban kontra sa COVID-19.
“Indeed, the Philippine media has become united with the government in the war against COVID-19,” saad nito.
Tiniyak naman ni PTFoMS executive director Usec. Joel Sy Egco na seryoso ang pamahalaan sa pagtataguyod ng press freedom.
Nagbigay din ng garantiya si Egco sa kaligtasan ng mga mamamahayag sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nothing, not even a pandemic can stop the administration from fulfilling its mandate in protecting the lives, liberty, and security of media workers. No amount of destructive narrative against President Duterete and the government can deny the fact that we have proven effective in addressing threats against the media,” sambit ni Egco.
Samantala, nagbigay din ng kanyang mensahe ng pasasalamat para sa mga journalists si Presidential Communications Operations Office Sec. Martin Andanar.
“The government extends its utmost gratitude to our brave men and women of the Philippine media who have dedicated their lives in the service of the Filipino people against the pandemic. You truly are heroes in the war against Covid-19,” ani Andanar.