BACOLOD CITY – Tiniyak ng assistant vice president for AM division ng Bombo Radyo Philippines na patuloy ang pagsisikap ng network upang mas mapabuti pa ang serbisyo sa mga tagapakinig ng Bombo Radyo.
Kasabay ng selebrasyon ng World Radio Day ngayong Pebrero 13, binalikan din ni Bombo Jenil Demorito ang kanyang eksperyensya bilang reporter at dating anchorman.
Ayon kay Demorito, mahigit 30 taon na itong nagtratrabaho sa radyo at ang araw-araw na pag-upo noon sa programa at pag-aaral ng mga isyu ang humubog sa kanyang talento.
Masasabi aniya ng isang journalist na nahubog ito kung narating nito ang defining moment ng propesyon na kanyang naeksperyensya nang nagcover ito ng EDSA People Power Revolution.
Aminado rin ito na malaki ang risgo ng isang radio anchorman dahil marami ang sensitibong mga isyu at may nagpapadala pa ng death threats.
Aniya, hindi dapat magpadaig sa death threats upang hindi malito sa isyu.
Kailangan ding pag-aralan ang mga isyu bago umere sa programa dahil pinagkakatiwalaan ng mga tao ang Bombo Radyo.
Tiniyak naman ni Demorito na hindi titigil ang Bombo Radyo sa pagsisikap na magbigay ng wastong impormasyon sa publiko at sa bawat pagbukas ng mikropono, nauunawaan ng mga anchorman ang mga isyu na kanilang tatalakayin.