Umakyat sa ika-55 na puwesto ang Philippine Women’s Volleyball Team o Alas Pilipinas sa FIVB world rankings matapos maging undefeated sa pool competition ng Asian Volleyball Confederation Challenge Cup for Women.
Nitong mga nakaraang araw ay natalo nga ng Alas Pilipinas ang lahat ng katunggaling bansa sa pool A ng naturang tourney kabilang na ang Australia, India, Iran, at Chinese Taipei.
Dahil dito, mula sa dating ika-63 na ranggo sa world ranking ng women’s volleyball, ay umakyat ito sa ika-55 na puwesto, habang naging ika-8 naman sa buong Asya.
Nananatili pa ring nangunguna sa Asya ang kuponan ng China, Japan, at Thailand na kasalukuyang nasa gitna ng international volleyball competition.
Sa Martes naman ay makahaharap ng Alas Pilipinas ang rank 4 sa Asya na Kazakhstan para sa do-or-die match kung saan ang mananalong kuponan ay didiretso sa finals ng AVC Challenge Cup for Women.
Ang kasalukuyang national team ay pinangungunahan ng team captain-setter na si Jia De Guzman at libero na si Dawn Macandili-Catindig kasama sina Sisi Rondina at Eya Laure.