Labis na ikinalungkot ng World Health Organization (WHO) ang pagtaya na sa susunod na linggo sasampa na sa 10 milyon ang mga kaso ng coronavirus sa buong mundo.
Sinabi ni WHO director general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus sa Geneva sa kanyang regular press briefing, napakalaki na raw ng ipinagbago na noong unang iniulat ang mga nagkakasakit ng COVID-19 ay kulang-kulang lamang ng 10,000 ang mga kaso.
Nagpapakita lamang daw ito ang nararapat na mahalagang paghahanda ng mga bansa sa malaking responsibilidad na magdoble kayod sa paglaban sa deadly virus.
“We expect to reach a total of 10M cases within the next week. This is a sober reminder that even as we continue R&D into vaccines & therapeutics, we have an urgent responsibility to do everything we can with the tools we have now to suppress transmission & save lives.”
Isa raw sa nakikita ng WHO na epektibong pagsalba sa buhay ng mga tao ay ang dagdag na mga oxygen sa mga pasyente.
Sa bawat isang milyong kaso kada linggo ng COVID, ang mundo ay nangangailangan daw ng 620,000 cubic metres ng oxygen kada araw na katumbas ng 88,000 na malalaking cylinders.
Pero maraming mga bansa ang hirap magkaroon nito bunsod na limitado lamang ang gumagawa ng supply.
Dahil dito maglalaan ang WHO ng $100 million upang bumili ng mga oxygen upang ibigay sa mas nangangailangang mga bansa sa loob ng anim na buwan.
Samantala nagpaalala naman si Tedros sa mga bansa na hindi dapat magkampante dahil walang “short cut” sa pagharap sa problema sa COVID.
“Finding every case, isolating, testing, caring for the sick and relentless contact tracing…. “These are the measures that must remain the backbone of the response in every country,” paalala pa ng WHO chief. “There are no short cuts.”