Ibinabala ngayon ng ilang dating residente ng kumunista na North Korea na dumarami ang mga nagugutom sa naturang bansa.
Anila, lalo umanong lalawak pa ang apektado habang nalalapit ang winter season.
Ayon kay Lee Sang Yong, editor in chief ng Daily NK, lumutang daw sa kanilang mga sources na maraming mga bata na walang mga magulang ang namamatay na lamang dahil sa kagutuman sa ilang mga kalsada.
Sinasabi pa sa mga impormasyon na itinuturing na “worst” ang napapaulat na food shortages sa North Korea.
Ang isyu sa COVID pandemic ay lalong umanong nagpapalala sa sitwasyon na inihalintulad noong taong 1990s kung saan nangyari ang worst disaster ng naturang bansa.
Mula pa noong Enero ng nakalipas na taon ay sarado na ang mga border ng North Korea dahil sa takot sa coronavirus.
Kung maalala ilang taon na rin ang napapaulat na food shortage dahil sa mas nakatutok ang kanilang lider na si Kim Jung Un na ibuhos ang pera o yaman ng kanilang bansa sa pagpapalakas sa puwersa militar.