Emosyonal na ibinahagi ni Wowie De Guzman sa kaniyang social media account ang pagluluksa nito sa pagpanaw ng kanyang kasamang miyembro sa Universal Motion Dancers (UMD) na si Norman Santos.
Ipinost ni Wowie ang mga lumang larawan ng grupo at ilang mga sandali kasama si Norman, kung saan ipinahayag niya ang kanyang kalungkutan at pagmamahal, humihingi ng tawad at inaalala ang kanilang mahalagang samahan.
‘UTOL, mahal na mahal ka namin,’ pahayag ni Wowie sa kanyang mensahe. ‘Hindi man naging maayos ang pagsasama ng grupo sa huli, at the end of the day magkakapatid tayo. Wala akong ibang hangad kundi kabutihan nating lahat. Pasensya ka na sa mga pagkukulang ko sayo Man…mahal na mahal ka namin,’ dagdag pa niya.
Ipinahayag din ni Wowie kung gaano kalaki ang naging epekto ni Norman sa kanyang buhay, at sinabing hindi niya mararating ang kanyang kinalalagyan ngayon kung hindi dahil kay Norman.
‘We love you, Norman Santos,’ sabi pa niya, at binanggit din ang UMD member na si Gerald Faisan, na pumanaw noong 1997. ‘UMD for Life,’ dagdag pa niya, at sinabing, ‘Kitakits tayo nila Gerald sa finals ng buhay ko.’
Pumanaw si Norman Santos noong Lunes matapos ang isang mahabang laban nito sa sakit sa bato, kung saan kinailangan niyang mag-dialysis sa loob ng mahigit 12 taon.
Ayon sa kanyang asawa na si Chato, siya ay 62 taong gulang nang pumanaw. Inihayag din ni Chato na ang tentative viewing para kay Norman ay gaganapin mula Pebrero 12 hanggang 16 sa St. Peter Memorial Chapel sa Tabacuhan, Olongapo City.
Ang UMD, na nakilala noong dekada ’90 ay dahil sa kanilang mga orihinal na sayaw, habang nagbigay pugay din sa kanilang kasamahan. Kasama nina Wowie, Norman, at Gerald, ang UMD ay binubuo rin nina Jim at James Salas, Miggy Eugenio Tanchanco, Brian Furlow, Marco McKinley, at Gerry Oliva.
‘Isang kapatid kasamahan namin sa grupo ang pumanaw na po, si tol Norman Santos,’ wika ng UMD sa kanilang post.
‘Mahal ka namin tol at ma-mi-miss ka namin ‘tol. Sobrang nalulungkot kami sa pangyayari nabawasan na naman po kaming isang legendary na kapatid. Pakikiramay sa pamilya. Paalam sa ‘yo tol Norman. UMD FOR LIFE,’ kanilang pahayag.
Ang pagpanaw ni Norman ay nag-iwan ng malaking kalungkutan sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at tagahanga, ngunit ang kanyang legacy ay magpapatuloy sa pamamagitan ng kontribusyon ng UMD sa industriya ng entertainment sa bansa.