BACOLOD CITY – Lungkot at takot ang nananaig ngayon sa buong bahagi ng Wuhan, China at mas lumulobo pa ang bilang ng mga infected at namamatay dahil sa novel coronavirus.
Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent Chai Roxas, wala umanong kahit isang sasakyan ang dumadaan sa kanila at sobrang tahimik din ng lugar hindi gaya nang nakasanayan noon na maingay na pagsalubong sa Chinese new year.
Hindi umano magawang magdiwang ng mga tao dahil ni isa sa kanila ay hindi alam kung ligtas pa ba ang hangin na nalalanghap nila.
Dagdag pa ni Roxas na patuloy nilang minomonitor ang iba pang kababayang Pinoy sa Wuhan para malaman kung ano ang maitutulong nila sa isa’t isa sa kadahilanang nawawalan na ng pag-asang may rumespunde pa mula sa labas ng lungsod dahil wala namang may nakakapasok o nakakalabas dito.
Kasalukuyan silang ligtas pero aminadong hindi nila alam ang mangyayari sa kanila sa mga susunod pang araw.