-- Advertisements --

Natuklasan ng mga health officials sa China na naihahawa umano ng mga tao ang bagong coronavirus sa iba bago ito magpakita ng sintomas.

Sinabi ni Chinese health minister Ma Xiaowei, ito raw ang rason kung bakit napakahirap pigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Limitado pa rin aniya ang nalalaman ng mga otoridad sa nasabing virus, at hindi pa malinaw sa kanila ang panganib na dala ng mutation ng virus.

Paliwanag pa ni Ma, posible raw umabot ang incubation period ng coronavirus mula isa hanggang 14 na araw, at nakakahawa raw ito sa naturang yugto.

Kung ihahambing, hindi raw ganito ang kaso sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), na isa ring coronavirus na nagmula sa China na kumitil sa buhay ng 800 katao sa iba’t ibang panig ng mundo mula 2002 hanggang 2003.

Inihayag naman ni Ma na paiigtingin pa ang ginagawa nilang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, gaya ng restriksyon sa transportasyon at kanselasyon ng malalaking mga events.

Sa kasalukuyan, 56 na katao na ang namatay mula sa virus, at halos 2,000 na ang kumpirmadong mga kaso sa buong mundo. (BBC/ Reuters)