PASAY CITY – Nag-ambag ng isang silver medal ang Philippines Wushu Team sa Men’s Taolu event na isinagawa sa World Trade Center, Pasay City ngayong araw.
Ito ay sa pamamagitan ni Jones Llabres Inso na naglaro sa Men’s Taijijian na umiskor ng 9.65 points.
Nakuha ng Malaysia ang gold medal sa iskor na 9.68 points, habang bronze medal naman ang naibulsa ng Brunei. Nagtapos ang isa pang Pinoy na si Daniel Parantac sa ikaanim na pwesto.
Nabigo rin ang atleta ng Pilipinas sa Men’s Nangun na si Thornton Quieney Lou Sayan na nagtapos sa ikalimang pwesto kung saan nasungkit ng Brunei ang gold, silver sa Indonesia at bronze sa Vietnam.
Hindi naman nakaporma si Johnzenth Rapada Gajo na nagtapos sa ikaapat na pwesto sa Men’s Daoshu.
Sa naturang event nakuha ng Indonesia ang gold, napunta sa Singapore ang silver habang bronze naman ang nasungkit ng Vietnam.
Samantala kaabang-abang naman ang pagsabak ng anim na Pinoy wushu athletes sa semifinals round ng full contact na Wushu Sanda event.
Lalaban sa women’s 48kg category si Divine Wally laban sa Lao, sa Men’s 48kg category si Jessie Aligaga kontra Vietnam, Men’s 52kg category si Arnel Mandal kontra Vietnam, Men’s 56kg category si Francisco Solis kontra Malaysia, Men’s 60kg category si Gideon Fred Padua kontra Thailand at sa Men’s 65kg category naman si Clemente Pabatang Jr., kontra Myanmar. (by Bombo Donnie Degala)