-- Advertisements --
agatha wong wusha sea games

PASAY CITY – “To the roof” kung isalarawan ni Mrs. Richa Fernandez ang sipag sa pag-eensayo ng wushu double gold medalist na anak na si Agatha Crystenzen Wong.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines sa ina ng Pinay wushu queen, sinabi nito na hindi nila inaasahan na makakuha ng dalawang gintong medalya ang anak sa pagsabak nito sa 30th SEA Games.

Nagbulsa si Agatha ng tig-iisang gold medal sa Wushu Taolu Taijiquan at Wushu Taolu Taijijian events na isinagawa sa World Trade Center.

Ayon kay Fernandez, ang tagumpay ni Angela ay bunga na rin ng pagsusumikap ng dalaga na hindi nagpapabaya sa paghahanda nito sa sinalihang biennial meet.

Napag-alaman na noong nakalipas na taon lamang ay nagtapos ang 21-anyos na si Agatha sa kursong Consular Diplomatic Affairs sa College of St. Benilde at nakatuon na ngayon ang kaniyang oras sa pagiging Wushu athlete.

Si Agatha na tubong Dagupan, Pangasinan ay panganay sa tatlong magkakapatid.

Napag-alaman din na ang ina ni Agatha ay isang Filipina-American habang may dugong Chinese naman ang kaniyang ama.

Idinagdag pa ni Fernandez na katulad ng ibang mga atleta, nagkaroon din ng mga pagsubok si Agatha sa kaniyang buhay atleta ngunit nalagpasan din ito ng anak at nagbunga ng tagumpay para sa kaniya.

Samantala hinihintay na lamang umano nila ngayon kung ano ang magiging desisyon ng Wushu Federation sa bansa hinggil sa magiging susunod nilang hakbang para sa karera ni Agatha. (Story by Bombo Donnie Dedala)