-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Mahigit sa isang milyong mga pasahero ang bumuhos sa mga pantalan sa buong Western Visayas simula noong Abril 2 hanggang 11, 2023.

Ito ang inihayag ni Lt. Commander Jansen Benjamin, tagpagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG)-Western Visayas.

Karamihan umano sa mga pasahero ay nagbakasyon, bumisita sa kanilang mga kaanak at pumunta sa mga pilgrimage sites para sa Semana Santa at long weekend.

Batay sa record ng PCG-6, nakapagtala ng outbound passengers sa naturang period sa 458,567 at 563,320 ang inbound travelers sa lahat ng mga pantalan sa Region 6.

Ayon pa kay Commander Benjamin na ang Aklan ang may pinakamataas na bilang ng mga pasahero na may 170,198 na outbound at 160,796 ang inbound na karamihan ay nagbakasyon sa Isla ng Boracay.

Gayundin ang mga pasahero ng RoRo vessel na dumaan sa Caticlan jetty port.

Nagdagdag umano sila ng mga tauhan kasabay sa pagsailalim sa heightened alert ng ahensiya upang mabantayan ang pagbuhos ng mga pasahero at mag-inspection sa mga pampasaherong barko at motorbanca.

Sa kabilang daku, kinumpirma ni Commander Benjamin na pangkabuuang naging payapa ang biyahe ng mga sasakyang pangdagat sa panahon ng Kuwaresma kung saan walang naitalang untoward incident maliban sa pagkabangga ng isang hotel speed boat sa isang bangka na naging sanhi ng pagkahulog at pagkamatay ng 60-anyos na Ati chieftain sa Boracay na si Ernesto Coching noong Miyerkules Santo.

Naka-record ng isang insidente ng pagkalunod at dalawa ang near drowning sa buong Region 6.