-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Makaraan ang halos tatlong taong pagkakasuspinde dahil sa COVID-19 pandemic, muling nagbukas ang Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA) Meet 2023 ngayong araw sa Calangcang Sports Complex sa Makato, Aklan.

Ang tournament na may tema ngayong taon na “Championing Excellence through Sports,” ay sinimulan sa pamamagitan ng parada ng mga atleta mula Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras at Negros Occidental sa naturang sports complex kung saan gaganapin ang karamihan sa mga sports events.

Si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang isa sa mga imbitadong bisita sa pormal na pagbubukas ng WVRAA.

Tinatayang nasa 4,895 na delegado na kinabibilangan ng athleta, coaches, chaperones, trainers at opisyal gayundin ang technical officials at technical working groups ang lalahok sa regional sports meet.

Samantala, sinabi ni Mr. Hernani Escullar Jr., spokesperson ng Department of Education region VI na binibigyang prayoridad nila ang kalusugan ng mga delegado, technical officials at iba pang personnel ng DepEd dahil sa sobrang init ng panahon.

Nagtalaga ng special lanes sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital para sa mga delegadong mangangailangan ng emergency treatment.

Naglagay rin ng mga ambulansiya kasama ang standby at medical teams sa lahat ng mga venues ng events.

Sa kabilang daku, daan-daang pulis mula sa Aklan Police Provincial Office ang ipinakalat upang magbantay sa sports activities.

Mayroong 24 na sporting events para sa seconday division at 15 sa elementarya kung saan mahigit sa 2,000 medalya ang nakataya.

Magtatapos ang WVRAA Meet sa Abril 30. Dito pipiliin ang ipapadalang delegasyon ng Western Visayas para sa Palarong Pambansa 2023 sa Marikina City sa Hulyo 29 hanggang Agosto 5.