-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd)-Region 6 ang pagsasagawa ng Western Visayas Regional Athletic Association Meet (WVRAA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Nick Valenzuela, division sports coordinator ng DepEd-Iloilo, sinabi nito na napagpasayahan ang pag-postpone ng taunang sporting event dahil sa banta ng novel coronavirus.

Ayon kay Valenzuela, magsasagawa pa ng pagpupulong ang Regional Management Committee ng DepEd kung kailan muling itatakda ang meet.

Una nang itinakda ang Western Visayas Regional Athletic Assocation Meet sa Pebrero 15-22 kung saan host ang Kalibo, Aklan.

Napag-alamang wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Western Visayas ngunit walo ang napabilang sa persons under investigation, apat dito ay nagnegatibo sa virus samantalang mino-monitor naman ang apat na iba pa.