Magsisilbing target sa maritime strike sa nagpapatuloy na taunang Balikatan exercise ang decommissioned na World War II warship ng Philippine Navy.
Sa isang statement, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na papalubugin ang dating BRP Miguel Malvar na tatargetin ng mga assets mula sa Philippine Air Force, US Air force, US Marine Corps at Australian Defense Force na magpapakawala ng iba’t ibang ordnance.
Itinayo ang Miguel Malvar noong taong 1944 bilang USS Brattleboro at kinomisyon kalaunan ng Philippine Navy bilang corvette. Na-decommission o inalis sa serbisyo mula sa Philippine Navy ang naturang barkong pandigma noong 2021, isa sa huling WWII-era warship.
Sa mga nakalipas na iterations ng Balikatan, isinagawa din ang pagsasanay sa pagpapalubog ng decommissioned ships tulad ng BRP Pangasinan noong 2023 na pinalubog matapos tamaan ang lumang corvette ng mga pinabagsak na bomba at artillery rounds sa disputed waters.
Noong nakalipas na taon, ginamit bilang target ang dating BRP Lake Caliraya na isang Chinese-built tanker.