Mariing itinanggi ng social media personality na si Marlou Arizala o Xander Ford ang akusasyon ng kanyang dating nobya na physical abuse.
Pahayag ito ni Xander Ford kasabay ng paghingi ng tawad kahit siya raw ay inosente sa kasong paglabag sa Section 5 (g) ng Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children.
Ayon sa kontorbersyal na online personality, magpapasko pa man din daw at siya lang ang inaasahan ng kanyang pamilya.
“Parehas po kaming nasaktan sa mga nangyari po sa aming dalawa pero hindi ko po talaga siya (pananakit) napisikal po. Mahal ko po ‘yun e,” giit nito.
Nabatid na sinagot ng kanyang manager na si David Cabawatan ang P18,000 na piyansa upang pansamantalang makalaya sa kinakaharap na reklamong pananakit at attempted rape.
Pero babala ni Cabawatan na hindi nila kukunsintihin si Arizala kung mapatunayan sa korte ang pagkakasala.
“Medyo mabigat po sa kalooban namin na pumunta pa dito kasi sa marami pong binigay po sa amin na problema ni Xander. Naisip po namin na baka dapat ito ay mabigyan siya ng aral na talaga. Pero, siyempre, magpapasko po, medyo lumambot po ang puso namin,” saad nito.