Tinawagan umano ni Chinese President Xi Jinping si US President Donald Trump para pag-usapan ang mas lalo pang pagpapatatag sa samahan ng dalawang bansa.
Ito ay sa kabila nang paghahanda ng China na isara ang lahat ng borders nito para sa mga foreign arrivals dahil sa takot na mas lalo pang dumami ang kaso ng nakamamatay na virus na magmumula sa mga banyaga na papasok sa naturang bansa.
Ayon sa Chinese state media, sinabi umano ni Xi kay Trump na dumating na sa importanteng yugto ang samahan ng Estados Unidos at China.
Umaasa rin daw ang Chinese president na iisip ng paraan ang Amerika para mas gumanda pa ang kanilang samahan nang hindi kinakailangang daanin sa away o gyera.
Inaasahan naman ng publiko na ang phone call sa pagitan ng dalawang pinuno ay magsilbing hakbang para tuluyan nang magkaayos ang dalawa.
Kung maaalala, walang humpay ang sisihan sa pagitan ng Washington at Beijing kung sino ang dapat na sisihin sa mabilis na pagkalat ng coronavirus disease.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagtawag ni Trump sa COVID-19 bilang “Chinese virus” sa kabila nang paulit-ulit na protesta nng Beijng hinggil dito.