BACOLOD CITY – Pormal nang iniutos ng presidente at chief executive officer (CEO) ng Yanson Group of Bus Companies na hindi makakapasok sa lahat ng terminal, branch at main office ang apat niyang mga kapatid na “kumudeta” sa kanya noong Hulyo 7.
Sa inilabas na inter-office memorandum ni Leo Rey Yanson ay nakapaloob ang pag-uutos sa lahat na mga security guards at mga empleyado na banned sina Roy, Emily, Ma. Celina Yanson-Lopez, Ricardo Jr. at kanilang mga escorts sa pagpasok sa main office ng Vallacar Transit Inc. at lahat na mga branches at terminal sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay LRY, nagpapatuloy pa ang general audit sa kanilang main office at mga terminal kaya’t hindi pwedeng makapasok ang kanyang mga kapatid.
Maalalang nitong Martes, hindi pinapasok sa main office sa Barangay Mansilingan sa lungsod ng Bacolod sina Emily at Ma. Celina kaya’t pumunta sila sa Police Station 7 upang magpa-blotter.
Nitong Miyerkules naman ng umaga, bumalik naman sa main office ang dalawang babaeng Yanson ngunit hindi ulit pinapasok.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng dalawa na araw-araw silang mag-rereport sa trabaho dahil mayroon silang karapatan bilang may-ari.
Nilinaw din ng mga ito na hindi sila nang-ransack sa main office bago ito mabawi ng kanilang kapatid at ina noong Biyernes ang tanggapan.