BACOLOD CITY – Pinapaaresto ng korte ang apat na magkakapatid na Yanson na kabilang sa nagmamay-ari ng pinakamalaking bus company sa buong bansa.
Batay sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Abraham Bayona ng Municipal Trial Court in Cities 6th Judicial Region Branch 7 Bacolod City, kabilang sa mga pinapaaresto ay sina Emily Yanson, Ricardo Yanson Jr., Roy Yanson at Ma. Lourdes Celina Lopez dahil sa kasong grave coercion.
Maliban sa kanila, pinapaaresto rin sina Jerica Leanne Ramos, Jerina Louise Ramos, Ma. Judy Alcala, Police Brigadier General Noli Romana at Police Col. Jomil John Trio.
Nagtakda naman ang korte ng P36,000 na piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Oktubre taong 2019 nang sinampahan ng kasong grave coercion at carnapping ang tinaguriang “Yanson 4” at mga accomplice kaugnay sa umano’y pagkontrol ng mga ito sa apat na sasakyan na pagmamay-ari ng Vallacar Transit Inc.
Ang kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016 at grave coercion under Article 286 ng Revised Penal Code ay isinampa ni Gary Manayon, material control department head ng VTI, sa City Prosecutor’s Office ng Bacolod.
Ito ay nag-ugat sa umano’y illegal control and possession with intent to gain ng apat sa dalawang Mitsubihi L200 utility vans at dalawang wing-van truck na pagmamay-ari ng VTI noong July 2019 kahit ginagamit sana ito para sa daily transport and logistics support ng Ceres buses.
Kung maalala, July 2019 nang tumiwalag ang Yanson 4 at gumawa ng sariling faction upang patalsikin sa pwesto ang presidente ng Yanson Group of Companies na si Leo Rey Yanson at iniluklok ang panganay na si Roy.
Kasama naman ni Leo Rey ang kapatid na si Ginette Dumangcas at ina na si Olivia Villaflores Yanson.
Nagpatuloy ang away ng magkapatid dahil dalawa ang presidente ng kompanya hanggang nabawi ni Leo Rey ang main office ng Vallacar sa Mansilingan, Bacolod City noong August 2019.