CEBU CITY – Tiniyak ng Yanson Foundation at Yanson Group of Bus Companies (YGBC) na patuloy ang kanilang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan kahit pa umano may kontrobersiyang hinaharap.
Ito’y matapos pormal nang matanggap ng Cebu victims ng Guimaras-Iloilo Strait tragedy ang P10,000s na ibinigay ng naturang bus company sa pamamagitan ng Bombo Radyo Cebu.
Ayon kay Trixie Acogido, ang assistant administrative manager, ang pakay ng foundation ni Doña Olivia Villaflores Yanson ay pagtulong sa mga nangangailangan lalong lalo na sa Janson at Baguio family ng Cebu dahil sa sinapit na trahedya ng kanilang pamilya.
Napag-alaman na may mga proyekto ang kompaniya ng mga Yanson para umano sa kaligtasan ng mga pasahero.
Isa na rito ang “Oplan Ligtas Biyahe” na sinisigurong safe ang mga pasaherong sasakay sa kanilang mga bus.
Sa kabilang dako, mas naging emosyonal pa si Jordan Alima, ang kaanak ng nasawi na si Danilyn Baguio nang matanggap ang cash assistance mula sa mga Yanson.
Muli niyang naalala na bago mangyari ang trahedya nakapag-text pa umano sa kanya si Danilyn at kinumusta ang lagay ng panahon sa Cebu.
Wala ring tigil ang pasasalamat nito sa tulong na natanggap lalong lalo na sa Bombo Radyo Philippines.