-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Muli na namang nagbantay sa Bacolod North Terminal ang Yanson matriarch na si Olivia Villaflores Yanson dahil sa report na magti-take-over ang kanyang apat na mga anak na nagkudeta sa bunsong si Leo Rey bilang presidente ng Yanson Group of Bus Companies.

Ito’y matapos nagkatensyon na naman ang mga empleyado ng Vallacar Transit Incorporated kanina dahil sa report na lulusob ang magkapatid na Roy, Maria Celina, Emily at Ricky.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Mrs. Yanson, nagbantay siya sa terminal dahil maaaring pumunta rito ang kanyang apat na mga anak kasabay ng hearing ngayong hapon kaugnay sa writ of preliminary injunction na hiningi ni Leo Rey laban sa pag-upo ni Roy.

Apela ng ina sa kanyang mga anak, hintayin ang desisyon ng korte.

Nanawagan din ito kay Negros Occidental Governor Bong Lacson na sabihan ang kanyang girlfriend na si Emily na hindi na magtangkang mag-take-over dahil ito ay iligal.

Aminado ang Yanson matriarch na naiipit ang gobernador sa isyu dahil konektado ito kay Emily ngunit nais lamang ng ina ng peaceful take-over sa tuwing may desisyon ang korte.

Sa kabila ng tensyon, tiniyak naman ni Mrs. Yanson na normal ang operasyon ng Ceres buses para hindi maapektuhan ang mga commuters sa buong Visayas.