Nakapaglagak na ng kabuuang P240,000 na piyansa si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay Jr. kaugnay ng mga kasong paglabag sa dalawang banking law.
Pasado alas-10:00 nitong umaga nang dumating sa Manila Regional Trial Court Branch 10 si Yasay para harapin ang mga reklamong violation ng General Banking Law at New Central Bank Act.
Ayon sa asawa ng dating kalihim na si Cecile Yasay, nakapaghain na rin ng motion for reconsideration ang former DFA secretary para matanggal sa kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo iginiit ni Yasay na ang mga dating opisyal ng Banco Filipino lang ang dapat na madiin sa reklamo dahil hindi pa siya umuupo noon sa bangko nang mangyari ang kwestyonableng paggawad ng P350-million na utang sa isang pribadong kompanya.
Nais daw malaman ni Yasay sa pagharap sa korte kung bakit itinuloy pa rin ng korte ang pag-aresto sa kanya sa kabila ng malinaw umano na hindi niya pagkakadawit sa kaso.