-- Advertisements --
KALIBO, Aklan — Isang yate ang sumadsad sa Cagban jetty port sa isla ng Boracay.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, hinampas ng malalaking alon bunsod ng epekto ng bagyong Ulysses ang yate hanggang sa tuluyang nasira ang kanang layag nito.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari at kung sino ang nagmamay-ari ng yate.
Samantala, ibinalik na sa Caticlan-Cagban port mula sa Tabon-Tambisaan port ang biyahe ng mga motorbanca papuntang Boracay matapos na kalmado na ang dagat.
Balik na rin sa normal ang biyahe ng mga RoRo vessel mula sa Caticlan jetty port papuntang Batangas gayundin sa Roxas at Bulalacao, Oriental Mindoro na pansamantalang pinahinto dahil sa bagyong Ulysses.