Napakatamis na taon kung ituring ng mga sports officials ng Pilipinas ang 2019 dahil sa muling nakabalik sa tuktok ang bansa matapos tanghaling overall champion sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ngunit bago ang makasaysayang tagumpay na ito ng bansa, sumuong muna sa kaliwa’t kanang mga hamon at kontrobersiya ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na siyang pangunahing tagapangasiwa ng palaro.
Kulang-kulang isang taon bago ang kick-off ng regional sports meet, binatikos ng mga netizens ang logo at mascot ng SEA Games na si “Pami” na umano’y pagpapakita ng kawalan ng “creativity” ng mga organizers.
Lumutang din ang balitang aatras ang Pilipinas sa pag-host ng SEA Games bunsod ng kaliwa’t kanang mga problema gaya ng kakulangan sa pondo at ang umano’y gusot sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC), pero agad naman itong sinupla ng mga organizers at iginiit na tuloy ang hosting ng bansa.
Nagisa rin ang Phisgoc na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano, ukol sa umano’y mga katiwalian sa organisasyon, mula sa sinasabing overpriced na mga deal kaugnay sa uniforms ng mga atleta hanggang sa pinag-usapang cauldron na pinaglaanan ng budget na P50-milyon.
Pinuna rin ang mga delay at kakulangan ng mga organizers sa pag-asikaso sa mga delegado ng ibang bansa na dumating sa Pilipinas ilang araw bago ang pagbubukas ng SEA Games nitong Nobyembre 30.
Humingi naman ng paumanhin ang Phisgoc at nanindigang hindi nila pinapabayaan ang kanilang tungkulin bilang organizers.
Samantala, sa pag-uumpisa naman ng SEA Games ay hindi binigo ng mga atletang Pinoy ang inaasahan sa kanila kung saan inumpisahan nina John “Rambo” Chicano at Kim Mangrobang ang pagpapaulan ng ginto sa Pilipinas nang mawalis nila ang men’s at women’s triathlon.
Sinundan ito ng pag-indak ng mga Pinoy dancers patungo sa 10 ginto sa dancesports, na nagbalik sa regional sports meet makalipas ang 12 taon.
Ang world champion gymnast na si Carlos Yulo ay hindi rin nagpapigil nang makadagit ito ng gintong medalya sa men’s all-around event.
Sa pagtatapos pa lamang ng unang araw ng SEA Games ay tumabo na ang mga Pinoy athletes ng 23 gold medals, na isang medalya na lang ang kulang sa 24 na ibinulsa ng bansa mula sa Kuala Lumpur edition noong 2017.
Sa kasagsagan ng laro ay hindi kailanman binokya ang Pilipinas sa gold medal.
Pinatunayan din ng mga Pinoy na sila ang hari at reyna sa iba’t ibang larangan nang mag-ambag din ng mga gold medals ang mga pambato sa arnis, basketball, billiards, boxing, cycling, golf, karate, skateboard, surfing, swimming, weighlifting, wushu, taekwondo, at iba pang mga events.
Ang e-sports na unang beses pa lamang ginawang regular event sa SEA Games ay hindi rin nabigong maghatid ng tatlong ginto para sa Pilipinas.
Sa pagtatapos ng 11-day sports conclave, humakot ang mga atletang Pinoy ng kabuuang 149 golds, 117 silvers, at 119 bronzes mula sa 56 sports, na pinakamalaki rin sa kasaysayan ng palaro.
Nahigitan nito ang 113-gold medal haul ng bansa noong 2005 SEA Games na dito rin idinaos.
Ang big performance ng mga Pinoy ay nagbangon din sa worst finish noong huling 2017 SEAG sa Kuala Kumpur na pumwesto lamang ang Pilipinas sa ikaanim.
Pagdating naman sa women’s softball at men’s baseball hindi pa rin natibag ang pagiging reyna at hari ng mga Pinoy lalo na ang ika-18 record breaking gold medal feat sa larangan naman ng basketball sa Southeast Asia.
Maliban dito, pumukaw din sa puso ng mamamayan ang ginawang pagligtas ng surfer hero na si Rogery Casugay sa kalabang Indonesian sa kalagitnaan ng kanilang gold medal match sa long board event ng surfing sa La Union.
Maging ang pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ay hindi rin pinalampas ang pagkakataon upang pasalamatan si Casugay sa kanyang kabutihang ginawa.
Mistulang pinangatawanan din ng mga Pinoy ang “We Win As One” motto ng SEA Games dahil sa kanilang pag-cheer sa delegasyon ng Timor Leste na sa unang bahagi ng biennial meet ay hindi pa nakakapagbulsa ng alinmang medalya.
Nagbunga naman ang pagsuportang ito ng mga Pinoy dahil nakapag-uwi ng isang silver at limang bronze medals ang Timor Leste sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa SEA Games.
Sinabi ni POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo na patunay ang panalong ito ng Pilipinas na sa kombinasyon ng pinaghalong suporta ng gobyerno at tiyaga’t pagpupursigi ng mga atleta ay magagawa ng Pilipinas na makatuntong sa tugatog ng tagumpay.
Sa kasalukuyan, pinagtutuunan na ng pansin ng POC ang kampanya ng Pilipinas sa mas malaking sporting event na 2020 Summer Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan.