Nagsanga-sanga sa maraming isyu ang ilang linggong imbestigasyon sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.
Nagsimula ito nang mabunyag sa Senado ang umano’y “GCTA for sale” para sa mga bilanggong nahatulan sa heinous crimes.
Halos 2,000 umano ang mga nabigyan ng GCTA credits, kahit hindi kwalipikado ang mga ito para sa nasabing patakaran.
Partikular na lumikha ng ingay ang “all set” na sanang paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, na hinatulang guilty sa pagpatay at pagpapahirap kay Alan Gomez at panghahalay at pagpatay naman kay Aileen Sarmenta.
Naungkat din ang pagpapapasok sa ilang babae na may code na “tilapia” para gumawa ng show at ang iba ay may pribadong oras pa, kasama ang high profile inmates na nagbayad ng malaking halaga.
Maging ang pagpasok ng mga kontrabando ay kaya raw tapatan ng salapi.
Tumibay din ang isyu ng bilihan ng GCTA credits nang tumestigo ang ilang bilanggo, laban sa BuCor officials na sangkot umano sa nasabing katiwalian.
Ilan pang inmate ang nagsiwalat ukol sa “hospital pass for sale.”
Ayon kay Jose Galario Jr., dating mayor ng Valencia, Bukidnon, maaaring manatili ang isang inmate sa pagamutan ng BuCor basta magbibigay lang sa doktor na nakatalaga.
“The information I got is that those from Building 14 were admitted for a longer time by paying a considerable amount to Doctor Cenas,” wika ni Galario.
Nakulong naman sa Senado ang ilang jail at hospital officials na sina Dr. Ursicio Cenas, BuCor legal chief Atty. Fredric Santos at BuCor documents chief Ramoncito Roque, dahil sa hindi pagsasabi ng buong katotohanan ukol sa mga detalyeng hinahanap ng mga nag-iimbestigang senador.
Lumitaw pa sa Senate probe ang anggulong may kaugnayan sa GCTA issue ang nangyaring pagpatay sa ilang BuCor officials na sina Ruperto Traya Jr., Administrative Officer ng prison bureau’s document processing division, BuCor Inspector Rommel Reyes at Angelita Peralta.
Samantala, lumikha rin ng ingay ang pagkakakaladkad ng pangalan ni dating PNP Chief Oscar Albayalde sa isyu ng “ninja cops” o mga pulis na nag-recycle ng iligal na droga.
Dati kasi nitong tauhan ang lider ng grupo na si Maj. Rodney Baloyo, noong nakabase pa sila sa lalawigan ng Pampanga.
Isiniwalat din ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino ang ginawang pagtawag sa kaniya ni Albayalde ukol sa kaso ng mga tauhan nito.
Pero makailang ulit din naman itong dinipensahan ng dating PNP chief, nang humarap siya sa mga pagdinig.
Sa panig nina Sen. Gordon, dating BuCor chief na si Sen. Ronald dela Rosa at dating PNP chief na si Sen. Panfilo Lacson, bahala na raw ang Office of the Ombudsman para sa mga isyung ito at sa paghahabol sa mga nakagawa ng paglabag sa batas habang nasa tungkulin.